gaLing kay kuya jepOy!(worth reading)
Tingin ng mga bobong kapitbahay ko
puta daw ako. Nagpapagamit,
binabayaran. Sabi nila ako daw ang
pinakamaganda at pinakasikat sa
aming lugar noon. Ang bango-bango ko
daw, sariwa at makinis. Di ko nga
alam kung sumpa ito, dahil dito
naletse ang kinabukasan ko.
Tara makinig ka muna sa kwento ko,
yosi muna tayo. Alam mo, maraming
lumapit sa akin, nagkagusto, naakit.
Ang hirap pag lahat sa iyo virgin eh.
Tinanggap ko naman silang tao, bakit
kaya nila ako ginago? Masakit
alalahanin, iniisip ko na lang na
kase di sila taga rito, siguro
talagang ganoon. Tatlong malilibog
na foreigners ang namyesta sa
katawan ko, na-rape ako.
Sa tatlong beses akong nagahasa,
ang pinakahuli ang di ko makaka-
limutan. Parang maski di ko ginusto
ang mga nangyari, hinahanap-hanap
ko siya. Tinulungan nya kasi akong
makalimutan yung mga sadistang Hapon
at Coño.
Kase, ibang-iba ang hagod niya.
Umiikot ang mundo ko sa tuwing
ginagamit niya ako. Ibang klase siya
mag-sorry, lalo pa at kinupkop niya
ako at ang mga naging anak ko.
Parating ang dami naming regalo -
may chocolates, yosi, ano ka! May
datung pa! Nakakabaliw siya, alam
kong ginagamit nya lang ako pero
pagamit naman ako nang pagamit.
Sa kanya namin natutunan mag-inggles,
di lang magsulat ha! Magbasa pa!
Hanggang ngayon, sa tuwing mabigat
ang problema ko, siya ang tinatak-
buhan ko. Yun nga lang, lahat ng
bagay may kapalit. Nung kinasama ko
siya, guminhawa buhay namin.
Sosyal na sosyal kami.
Ewan ko nga ba, akala ko napapamahal
na ako sa kanya. Akala ko tuloy-tuloy
na kaligayahan namin, yun pala unti-
unti niya akong pinapatay. Putang
Ina! Sa dami ng lason na sinaksak niya
sa katawan ko, muntik na akong malaspag.
Ang daming nagsabi na ang tanga tanga
ko. Patalsikin ko na daw. Sa tulong ng
mga anak ko, napalayas ko ang animal
pero ang hirap magsimula. Masyado na
kaming nasanay sa sarap ng buhay na
naranasan namin sa kanya. Lubog na
lubog pa kami sa utang, kulang ata
pati kaluluwa namin para ibayad sa mga
inutang namin.
Sinikap naming lahat maging maganda
ang buhay namin. Ayun, mga nasa
Japan, Hong Kong, Saudi ang mga
anak ko. Yung iba nag-US, Europe.
Yung iba ayaw umalis sa akin. Halos
lahat, wala naman silbi, masaya daw
sa piling ko, maski amoy usok ako.
Sa dami ng mga anak ko na nagsisikap
na tulungan ang kalagayan namin, siya
din ang dami ng mga anak ko na
namamantala sa kabuhayan at kayamana
na itinatabi ko para sa punyetang
kinabukasan naming lahat. Dumating ang
panahon na di na kami halos makaahon
sa hirap ng buhay. Napakahirap dahil
nasanay na kami sa ginhawa at sarap.
Ang di ko inaakala ay mismong mga
anak ko, ang tuluyang sisira sa akin.
Napakasakit tanggapin na malinlang.
Akala ko ay makakakita ako ng magiging
kasama sa buhay sa mga ahas na
ipinakilala ng mga anak ko Hindi pala.
Ang tanga ko talaga. Binugaw ako ng
sarili kong mga anak kapalit ng kwarta
at pansamantalang ginhawa na nais
nilang matamasa.
Wala na akong nagawa dahil sa sobrang
pagmamahal ko sa aking mga anak. Wala
akong ibang yaman kundi ganda ko.
Pinagamit ko na lang ng pinagamit ang
sarili ko, basta maginhawa lang ang
mga anak ko.
Usap-usapan ako ng mga kapitbahay ko.
May nanghihinayang, namumuhi at naaawa.
Puta na kase ang isang magandang tulad
ko.
Alam mo, gusto ko na sanang tumigil sa
pagpuputa kaso ang laki talaga ng
letseng utang ko eh. Palaki pa ng
palaki. Kulang na kulang. Paano na lang
ang mga anak ko naiwan sa aking
punyetang puder? Baka di na ako balikan
o bisitahin ng mga nag-abroad kong mga
anak. Hindi na importante kung laspagin
man ang ganda ko, madama ko lang ang
pagmamahal ng mga anak ko. Malaman
nila na gagawin ko ang lahat para sa
kanila.
Sa tuwing titingin ako sa salamin,
alam ko maganda pa rin ako. Meron pa
din ang bilib sa akin. Napapag usapan
pa din. Sa tuwing nakikita ko ang mukha
ko sa salamin, nakikita ko ang mga
anak ko. Tutulo na lang ang mga luha ko
ng di ko namamalayan. Ang gagaling nga
ng mga anak ko, namamayagpag kahit saan
sila pumunta. Mahusay sa kahit anong
gawin. Tama man o mali. Proud ako sa
kanila. Kaso sila, kabaligtaran ang
nararamdaman para sa akin.
Sa dami ng mga anak ko, iilan lang ang
may malasakit sa akin. May malasakit
man, nahihilaw. Ni di nga ako kiniki-
lalang ina. Halos lahat sila galit sa
isa't isa. Walang gusto magtulungan,
naghihilahan pa. Ang dami ko ng pasakit
na tiniis pero walang sasakit pa nung
sarili kong mga anak ang nagbugaw sa
akin. Kinapital ang laspag na ganda ko.
Masyado silang nasanay sa sarap ng
buhay. Minsan sa pagtingin ko sa salamin,
ni hindi ko na nga kilala sarili ko.
Dadating na naman ang pasko, sana
maalala naman ako ng mga anak ko.
Isang buwan pa, magbabagong taon na.
Natatakot ako sa taong darating.
Ngayon pa lang usap usapan na ang
susunod na pagbubugaw ng ilan sa mga
anak ko. Sana may magtanggol naman
sa akin, ipaglaban naman nila ako.
Gusto kong isigaw:
"INA NINYO AKO! MAHALIN NYO NAMAN AKO!"
Sige, dumadrama na ako. Masisira na
ang make up ko nito eh. Salamat ha,
pinakinggan mo ako. Ay sorry, di ko
nasabi pangalan ko.
Pilipinas nga pala.
10/19/2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Maraming salamat sa paglathala.I wrote this during 2004,in reaction to the fiesta election of PGMA...patama sa mga dapat tamaan at para mahalukay ang natutulog na love natin sa ating mother philippines....isa lang ibig sabihin...tulog pa din love natin kay mother philippines at talagang wala ng kinsesya ang mga dapat tamaan!
...God bless!
++++++++++++++++++++++++++
Minsan may Isang Puta (2007)
-mike.portes@gmail.com
http://passion-digitaldesigns.com/mike.html
http://passionoverdrive.blogs.friendster.com/my_blog/2007/04/minsan_may_isan.html
Post a Comment